Proxy war

By Benjie Alejandro

Hangga’t hindi nababago ang patakaran ng Estados Unidos sa pagsusulong ng ‘forever war’ ang hinahangad na kapayapaan ng buong daigdig ay magiging mailap.

Ang mga kaguluhan at bakbakan sa alin mang lugar sa daigdig, malaki man o maliit ay may imprenta ni Uncle Sam. Ang anino at kuko ng proxy war, sinasadya man o hindi ay malaking banta sa sangkatauhan.

Marahil dala na ito ng pagiging ‘world’s number-1 policeman mentality’ ng Amerika. At ang proxy war ay isa lamang sa mga instrumento para mapanatili ang ‘global dominance’ ng Estados Unidos kasama ang mga kasabwat.

“Ang proxy war by definition ay giyera na ginagawa ng isang external power. Ginagamit ang isang maliit na bansa para labanan ang isang katunggali ng superpower at ang kinakasangkapan ay `yun maliit na bansa,” ayon ito kay Herman Tiu Laurel, isang geopolitical expert sa panayam ng DWAR Abante Radyo.

Hindi pa nga natatapos ang proxy war laban sa Russia, dumagdag pa ang digmaan sa pagitan ng Israel at Iran, habang nagpapatuloy ang hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine.

Sa mga kaguluhang ito isa lang malinaw mga mapamuksang sandata ang sumambulat, nagdulot ng kamatayan, pagkasira ng mga ari-arian at nadiskaril ang pandaigdigang kalakalan.

Sa kaso ng proxy war laban sa Russia, ang mga sandatang gawa ng Estados Unidos at mga Kanluraning bansa ay ibinigay sa Kyiv para gamitin laban sa Moscow.

Hindi pa nakuntento, ang mga bansang Asyano, kung saan kabilang ang Pilipinas ay hinihimok ng Estados Unidos na makialam at magbigay ng. tulong-militar

Ayon kay Laurel, “ang importante po sa atin dito sa Pilipinas ay maintindihan, na matapos ang Iran ay ang Asya naman ang isusunod ng Estados Unidos dahil sa kanilang tinatawag na ‘perpetual war’ o walang katapusang digmaan, kasi po diyan nabubuhay ang Estados Unidos, `yong kanilang ekonomiya kabilang na ang European Power o Western Powers.

Ang malaking problema po sa bayan natin, tayo po ay nasusubo sa kanilang kampanyang ‘perpetual war.’ Tayo ay inihahanda na isunod sa Ukraine. Ngayon ay sa Iran at tayo naman ang susunod kapag hindi po natin mapigilan yan.”

Sa kabila na may pag-uusap na nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine sa pamamagitan ni Uncle Sam hindi naman tumitigil ang pambabraso laban sa Moscow gamit ang iba’t ibang uri ng diskarte o pressure tulad ng economic sanctions, pag-frozen sa Russian financial assets at ang malupit ang kita sa interest sa mga ‘assets’ ay ginagamit laban sa Russia mismo.

Paano magkakaroon ng tuldok ang gulo sa pagitan ng Moscow at Kyiv, kung ganito ang nangyayari?

Dahil nagpapatuloy ang agos ng armas patungong Ukraine mula sa mga bansang kasapi ng NATO, walang kasiguraduhan na hindi ito mapapasakamay ng mga terorista at grupong ekstremista na lalo lamang magpapagulo ng sitwasyon.

Ang panganib na maaaring mapunta sa kamay ng mga nabanggit na grupo, ganon na rin sa mga transnational criminal group, iba’t ibang mga rebeldeng grupo at sindikatong kriminal ay napakataas.

Ang lahat ng ito ay mayroon sa Pilipinas.

Ayon kay Robert Storch, Inspector General ng Pentagon, ang `monitoring’ ng mga armas na isinusuplay sa Ukraine ay ‘very delinquent.’

Nangangahulugan na ang mga mapamuksang armas tulad ng portable missile systems, mga kamikaze drone at infrared night vision equipment na nagkakahalaga ng $1 bilyong dolyar ay maaaring napasakamay ng mga grupong terorista at esktremista.

Ang pahayag na ito ni Storch ay puwedeng maging batayan ng gobyerno ng Pilipinas huwag sumabay sa agos ng pagbibigay ng tulong militar sa Kyiv katulad ng pagiging maingat ng mga bansang kasapi ng ASEAN sa pakikisawsaw sa isyu ng Russia-Ukraine War at pagpapataas ng tensiyon sa rehiyon ng Asya at Pasipiko.

 

Email: contact@asiancenturyph.com

Facebook: https://www.facebook.com/asiancenturyph/

Twitter: https://twitter.com/AsianCenturyPH

Substack:

Also read:

READ: Executive Intelligence Review (EIR) is a weekly newsmagazine founded in 1974 by the American political activist Lyndon LaRouche

One response to “Proxy war”

  1. Tulad ng iba, inaamin kong nagkamali ako sa pagboto ko sa bangag na presidente. Ipinagdarasal ko at sumusuporta ako sa mga pagkilos para maiwasan ang proxy war na ito.

Leave a Reply

Trending

Discover more from Asian Century Journal

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading